Filipino News: SSS nagbayad ng P7-B para sa pension adjustment ng mahigit 154,000 retirees sa unang anim na buwan

Nagbayad ang Social Security System (SSS) ng P7.21 bilyon para sa pension adjustment ng mahigit 154,000 na mga kwalipikadong pensyonado noong Hunyo 2016 matapos ang proyekto nito sa manual verification at reposting ng kontribusyon para sa mga taong 1985 hanggang 1989.

Ang pension adjustment ay resulta ng aksyon ng pamunuan ng SSS na suriin ang mga kontribusyon ng mga miyembro mula 1985 hanggang 1989 na hindi lumipat sa system upgrade na ginawa nito noong 1980s. Nitong mga nakalipas na taon, isa-isang nagsusumite ng kanilang request para sa manual verification ang pensioners para sa posibleng pension adjustment. Taong 2011 nang bumuo ang pamunuan ng SSS ng special team na siyang tumutok sa pag-aayos ng rekords ng pensyonado kaya kahit walang request para sa manual verification ay binabayaran nito ngayon ang lahat ng kwalipikado sa pension adjustment.

"Ginawa namin ang proyektong ito para maibigay sa ating mga pensyonado ang benepisyong para sa kanila na hindi na nila kailangan pang hingin. Nakapagpadala na kami ng sulat sa mga kwalipikadong pensyonado at ilan sa kanila ay natanggap na ang pension adjustment noong Hunyo. Para sa ibang pensyonado, maaari silang tumawag sa SSS Hotline sa mga numerong (02) 920-6446 hanggang 55 o mag-email sa member_relations@sss.gov.ph para macheck nila ang stado ng kanilang pension adjustment kung meron man," ayon kay SSS President and Chief Executive Officer Emilio S. de Quiros Jr.

Hindi lahat ng pensyonado ay kwalipikado sa pension adjustment sapagkat may mga miyembro na natapos na ang manual verification ng kanilang kontribusyon mula 1985 hanggang 1989 noong sila ay nagpasa ng kanilang aplikasyon. May mga sitwasyon din kung saan kahit na nailatag o narepost ang mga kontribusyon ay wala itong epekto sa kanilang tinatanggap na pensyon.

Ayon kay De Quiros, 90 porsyento ng 154,357 retirado ang nabayaran ng pension adjustment at back payment na pangkaraniwang nagkakahalaga ng P51,883 kada isang pensyonado habang ang natitirang 10 porsyento ay nakatanggap ng P100 o mas mababa pa na accrued differential na ibinigay kasabay ng kanilang regular na buwanang pensyon.

"Nasa P515 ang average na halaga ng itinaas sa buwanang pensyon sa 154,357 retiradong pensioner na binayaran noong Hunyo 2016. Dahil sa pension adjustment na ito, magdadagdag ang SSS ng P79.5 milyong pondo para sa pensyon kada buwan," ayon kay De Quiros.

Patuloy ang pagsusuri ng mga kontribusyon ng miyembro pati na ang kompyutasyon para sa pension adjustment kaya ang pangalawang babayaran ay mga kwalipikadong death at disability pensioners sa ilalim ng Social Security (SS) Program at nakatakda silang bayaran sa Disyembre 2016. Ang pangatlong grupong babayaran ay mga SS death at SS disabililty pensioners na may contingency date bago Mayo 24, 1997 samantalang ang mga may EC pension adjustment ay nakatakdang bayaran sa Hunyo 2017.

Samantala, umabot sa P16.28 bilyon ang kinita ng SSS para sa unang anim buwan ng taong 2016 na nagmula sa mga kontribusyon at kita sa investment. "Mas mataas sana ang aming kinita kung hindi dahil sa P7.21 bilyon na pension adjustment na aming ibinayad noong Hunyo," sabi ni De Quiros.

Sumatutal, 82 porsyento ng kabuuang kita ng SSS mula Enero hanggang Hunyo 2016 ay mula sa kontribusyon ng mga miyembro. Halos 90 porsyento ng kontribusyon ay galing sa employed members na nagkakahalaga ng P61.41 bilyon, mas mataas ng siyam na porsyento mula sa P56.45 bilyon bilyon para sa unang anim na buwan ng 2015.

"Ang mas pinaigting na pangongolekta sa mga member loans ay nakatulong upang tumaas ang investment income. Ang Loan Restructuring Program ay nagbigay ng pagkakataon para bayaran ng mga miyembro ang kanilang mga hindi nababayarang short-term member loans kaya nakapagtala ito ng P664.15 milyon interest income mula nang ilunsad noong Abril 28 ng taong ito. Tumaas din ng 42 porsyento o P170 milyon ang kinita ng SSS mula sa housing loans dahil sa mas pinaigting na sistema ng pangongolekta ng delingkwenteng loan accounts," sabi ni de Quiros.

Ang gastos ng SSS para sa operasyon nito ng anim na buwan ay halos walang pinagkaiba mula sa P4.06 bilyon noong nakaraang taon ay P4.38 bilyon lamang ito sa parehas na panahon kahit na kumuha pa ang SSS ng mga service bureau personnel para sa special projects tulad ng muling pagtatala ng kontribusyon para sa taong 1985 hanggang 1989. (SSS)

Source: Philippine Information Agency

Related posts